This issue we give way to listen to what our young people say. Written by Alford A. Tabag, Grade 8 student of St. James High School, Besao, Mountain Province, this essay won first place in the Essay Writing Contest on Nutrition- Filipino Category, as part of the Nutrition Month activities of the Mountain Province Provincial Health Office.)
Ang kalusugan ay kayamanan.
Ang kalusugan ay hindi lamang tumutukoy sa pagkain ng gulay at pagtulog ng maaga. Sakop din nito ang pag-iisip ng isang tao at kung paano niya ito pahalagahan. Tumutukoy ito sa pagkakaroon ng malakas na katawan, maayos na pag-iisip, kung paano makipagkapwa-tao, pagkontrol ng emosyon, at matatag na paniniwala sa Diyos. Tumutukoy din ito sa pagkakaroon ng sapat na enerhiya, sa kapasidad ng katawan na lumaban sa sakit, at pagkakaroon ng masayang buhay.
Ang pagkain ng wastong dami at tamang uri sa tamang oras ay mahalaga. Kumain ng mas maraming gulay sapagkat mayaman ito sa bitamina at tumutulong sa pagpapabilis ng metabolismo ng katawan. Ang pagkain ng mga organic na mga halaman ay makakatulong sa pag-iwas sa cholesterol. Higit din itong masustansiya kumpara sa mga pagkaing naproseso dahil ginamitan ang mga ito ng mga kemikal at mga preserbatibo na nagpapasarap ngunit umuubos sa sustansiyang taglay ng pagkain. Kaya naman higit na mainam ang pagkakaroon ng backyard garden kaysa sa pagbili na nagdudulot ng economic loss. Ang ating mga local na magsasaka ay ating suyuin upang tayo ay magkaisa at suportahan ang organic farming. Ang organic farming ay ang pagsasaka na hindi gumagamit ng mga artipisyal na pataba at mga kemikal kundi purong natural lamang.
Mahalaga rin ang pagkakaroon ng personal hygiene. Ang personal hygiene ang mga bagay na kinakailangang gawin upang magpatuloy ang magandang kondisyon ng katawan. Araw-araw ay nakikipagsalamuha tayo sa iba’t-ibang tao at iba’t-ibang kapaligiran. Kaya naman iba’t-ibang bacteria rin ang nahahawakan at dumadapo sa ating katawan kaya kailangan nating panatilihin ang regular na paglinis ng ating katawan.
Kailangan din ang pagkaroon ng positibong pananaw sa buhay. Malaki ang naitutulong nito dahil inaalis nito ang pagod at pinapalitan ng kasiyahan at tumutulong din ito upang maniwala ka sa iyng mga kayang gawin. Ang positibong pag-iisip ay tumatanggal ng mental tension na dinudulot ng trabaho at mga problema. Tumawa ng tumawa bilang ehersisyo.
Mahalaga rin ang pagkaroon ng matatag na paniniwala sa Diyos. Hindi lamang sa pisikal nasusukat ang kalusugan, kasama rin dito ang espiritwal na aspeto. Ito ay isang malaking pundasyon upang gumawa ng mabuti at umiwas sa masama. Pinapatibay din nito an gating damdamin.
Panatilihin ang magandang ugnayan sa ibang tao at pag-aralan kung paano kontrolin ang ating damdamin. Huwag hayaang lamunin ng galit. Isiping mabuti bago gumawa ng mga bagay.
Magkaroon ng masayang buhay. Tumutukoy ito sa pagharap sa buhay na sa halip na magpatalo sa mga suliranin, maging masaya lang. Isipin mong lahat ay may kahihinatnang mabuti.
Ang pagkaroon ng sapat na enerhiya ng katawan ay tumutulong upang labanan ang sakit. Ang sakit ay negatibong reaksiyon ng katawan dahil sa mga bakterya na nagdudulot ng sakit o mga pathogens.
Ang malnutrisyon ang kondisyon na sanhi ng hindi pagkain ng mga wastong pagkain. Ito ang pagkain na kulang o hindi balanseng nutrisyon. Maraming mga sakit ang maaring makuha dahil sa malnutrisyon ngunit maaaring maiwasan kung susunod sa mga dapat gawin.
Ang kalusugan ay pangalagaan, sapagkat ito’y mahalaga sa ginto. Kapag nawala ay baka dina maibalik pa. Nasa inyong kamay kung gusto niyong maging malusog.
Simulan na ngayon, bukas, maaring huli ka na! **
